Sa bandang Norte ng bansang
pinagkaitan ng Bukang Liwayway,
Sa payapang lugar na
hindi pinagbubuhatan ng kamay,
Sa mga taong buhay pa't
pinagpala ng pinuno nilang Maykapal,
Sana'y maging sepulturero't
taga-awit kayo sa patay
Sapagkat ang iyong tinig ay salungat
sa iyong pagtingin sa patay
Sana ika'y susulat sa mga lapida
at babasa sa mga rason ng pagkamatay niya
Sapagkat ang iyong binabasa ay sa tableta lamang
at sa pagsulat ay iyong malalaman
Na ang kanyang nais na sabihin
ay "sana'y buhay pa"
Silang mga nakatunganga sa
kwarto at sa kanto
Itinanong kung ano ang pinaglalaban
ng mga elitista sa kapitolyo
Na sa kanila'y balwarte ng
'san daang pamilyang presko
at dito'y libingan ng mga
pinapaslang na preso?
Na sila'y edukado't
kumakain ng keso
at kami'y mas edukado
ngunit bastos at walang modo?
Ano'ng paggastos sa paaralan
ang ating pinapahiwatig
Kung yaong may utak
ay tinataboy natin?
Ano'ng silbi ng yabang
at ng mga nagsasabing "Eh di wow!"
Problema sila'y karamihan
at kami'y bilang na lamang
Isang araw, may patay,
ako'ng umawit sa libing niya
ang sabi, siya'y traydor, rebelde't propagandista
Kaya sa pag-awit ko'y walang tono't medyo sadista
Paulit-ulit kong ginawa sa
'san daang kabaong galing Maynila
BAKIT nga ba may lapida ang patay?!
Na may palatandaan sa lupa
sa mga bayaning namatay?
Na may palatandaan sa lupa
sa mga diktador na namatay?
Na may palatandaan sa lupa
na tayo'y nabubuhay
sapagkat sila'y patay na?
Bakit nga ba may lapida lamang ang patay?
Ngayo'y dapat tayo ang nasa hukay
at sila'y nabubuhay?
Tayong mga taga iba't-ibang direksyon,
ngayo'y naninirahan sa isang bahagi ng Luzon,
Lumuhod, tumungo, sumaludo sa patay
Sapagkat sila'y katulad natin,
estudyante't may malay
Tandaan niyo tayo'y may utang
sa bayani't ka-edaran
Hindi pera, hindi lupa,
BUHAY, Buhay ang utang natin sa kanila
Ang mundo'y hindi nagpapahinga
Ang mundo'y hindi nakakalimot
Maubos man ang matatalino dito,
heto kayo at handang matuto
Yun lang ay madaling mauto
Kaya bago pa man iyon ay matamo,
Kami'ng humihingi ng tawad sa patay
Pacific-Atlantis Mermen Journal
Read the Pink Merman's copyright and other reminders.
No comments:
Post a Comment
Feedbacks and constructive criticisms are highly encouraged. Keep in mind, however, that this blog does not portray itself as a legitimate source of factual information like recognized news agencies but as an avenue to practice journalism.