Sunday, August 7, 2016

Hindi sa Lahat ng Oras

Hindi sa lahat ng oras
ay masama
Hindi sa lahat ng oras
ay mabait
Hindi sa lahat ng oras
ay tama ka
Hindi sa lahat ng oras
ay mali ako
Hindi sa lahat ng oras
ay may pasensya ako
Hindi sa lahat ng oras
ay nagtitimpi ako
Hindi sa lahat ng oras
ay ako ang susuyo sa'yo
Hindi sa lahat ng oras
ako ang iintindi sa'yo
Hindi sa lahat ng oras
ako ang bubuhat sa problema mo

Hindi sa lahat ng oras
ay matitiis ko
Ang sakit, ang lungkot,
ang kunot ng noo ko,
ang nababasa kong damit
sa tumatagas kong kaluluwang mapait
Ang mabilis na pagdagundong
ng pusong kong sumasambit
na tumalon sa mataas na tore
na sumigaw sa mata mong mapang-inosente
na saksakan ka ng talim sa bulalakaw
mong Bibig
na sumakay sa tren at tumalon sa riles
at magpagulong-gulong ng napakabilis

Bakit ganuon?

na sa lahat ng oras
ay gusto kong saktan ang sarili ko
kahit na may nananakit sa akin
na iba?

Siguro'y laging ganuon
na sa lahat ng oras na ako'y magtiwala,
Sa lahat ng oras na ako'y magpapakita
ng kahinaan ng loob,
Sa lahat ng oras na 
nag-iiba ang tingin ko sa'yo
Sa lahat ng oras na
bababa ako sa lebel mo,
Hinihila mo ako pabalik,
Pinapaalala mo sa akin
kung bakit hindi ganuon kadali magtiwala
Pinapaalala mo sa akin
na hindi ako dapat makalimot
na minsan ako'y iyong sinaktan
at ngayo'y inulit mo nanaman
Siguro ito ang dahilan 
sa paulit-ulit na telenobela,
Isang pagkalungkot na walang kakwenta-kwenta

Bakit ba sa hinaba-haba ng oras
na tayo'y magkasama
Hindi pa rin natutong umintindi at
makisama,
at ito'y iba sa intindihin at unawain
at pakinggan at pakitunguhan
at samahan at tahanan
at pasensya sa kaguluhan
Ibang-iba ang
pag-ibig sa pagtitiis,
Na ikaw ay aking mahal
at ika'y pinagtitiisan lamang
Iba rin naman ang nagtitiis
sa nasanay at tinanggap na
at kung ang balak ay sirain at hindi turuan;
ibahin at hindi palakasin,

Sana nuong una'y...
humindi ka na lamang

Hindi sa lahat ng oras
ay o-oo ako sa'yo




©The Pink Merman 
Pacific-Atlantis Mermen Journal 
Read the Pink Merman's copyright and other reminders.

No comments:

Post a Comment

Feedbacks and constructive criticisms are highly encouraged. Keep in mind, however, that this blog does not portray itself as a legitimate source of factual information like recognized news agencies but as an avenue to practice journalism.

Popular Posts